Sunday, January 10, 2010

LOLA

Iisa lang ang lola na kilala ko, hindi katulad sa lolo na marami ako. Pero ang totoo, nang magkamalay ako wala na akong lolo pero mayroon akong isang lola.

Hindi ko nakilala ang lolo ko sa nanay at sa tatay. Maaga umano silang nawala sa mundo ng mga buhay. Tanging kuwento na lamang sa kanila ang aking narinig. Kung hindi nagkakamali ang aking pagtanda sa mga kuwento na aking narinig, ang lolo ko sa nanay ay kilala sa tawag na “Tak-ke.” Hindi ko alam kung bakit iyon ang tawag sa kaniya. Hindi ko alam kung kaya ni nanay sagutin pero hindi na rin kasi niya nakilala ang tatay niya na ito na siyang lolo ko sa kanya. Pero ayon sa kuwento, masipag daw ang lolo ko na ito. At ang kasipagang iyon ang kanyang ikinamatay… pasma. Tingnan mo, kahit patay na ang lolo ko may aral akong nakuha sa kapirasong kuwento ng kanyang buhay… HUWAG MAGING MASIPAG… NAKAMAMATAY! Iyon na rin lang ang kuwento na nakuha ni nanay sa kanyang mga kapatid na naabutan pang buhay ang kanilang ama. Hindi ko rin lang alam kung iyon din ang aral na nakuha ng aking ina sa kuwento na iyon.

Loring ang tawag nila sa aking lolo kay tatay. Nakita ko na lamang siya sa litrato kasama ang kanyang mga anak ba iyon o apo noong mga maliliit pa. Konti din lang ang kuwento na narinig ko tungkol sa lolo kong ito kay tatay, kayang ilarawan sa isang salita… MABISYO. Buhay na umano ng lolo kong ito ang magsugal at mag-inom. Hindi nakapagtataka na hindi ko naabutan ang lola ko na asawa niya. Kaya iisa lang ang lola ko. Namatay daw sa saksak ang lolo ko na ito. Ang dahilan nakawan ng paninda sa bangketa. Hindi naman siya ang nagnakaw… siya ang ninakawan. Nauna siyang sumaksak sa nagnakaw kaso sinaksak din siya. Matapos ang saksakan, buhay ang kanyang sinaksak, patay siya. Ang aral… HUWAG MAUNA MANAKSAK… NAKAMAMATAY!

Lahat ng lolo na nakilala ko ay kapatid ni lola, iyong nag-iisa kong lola. At siyempre naabutan ko silang lahat kasi doon ako lumaki malapit sa kanila. Pero hindi lolo ang kuwento kong ito… ito ay si lola… lahat ng natatandaan ko na tungkol kay lola sa panahong kasama ko siya at mga panahon noong nabubuhay pa siya.

Nakilala ko si lola noong dumating kami sa bahay niya galing

Davao

. Apat na taon ako noon, 1971. Dalawang palapag ang bahay nila at ang natatandaan ko na kasama niya sa bahay ay iyong ikalawa niyang asawa at dalawa nilang anak.

Doon

kami tumira sa itaas ng bahay nila samantalang sila naman ay sa ibaba. Pero doon kami kumakain sa lamesa nilang kainan at nagluluto si nanay ng pagkain namin sa kanilang kalan. Hindi ko na matandaan kung gaano katagal muna na hindi ako naglalalapit kay lola pero ang natatandaan ko na ngayon ay sa kanila ako sumasabay kumain. Gusto ko kasabay si lola kumain kasi inaayos niya ang pagkain sa plato ko. Binibilog niya ang kanin ko at iniipitan sa loob ng ulam. Pag kakain na at tatawagin ako ni lola, lalapit na agad ako sa kanya at makikita ko na ang plato ko ay handa na. May laman itong bilog-bilog na kanin na kasing lalaki ng bola ng jackstone at isusubo na lang niya ito ng isa-isa sa bibig ko.

Ang sumunod na natatandaan ko kay lola ay wala na sila sa malaking bahay. Nauna kaming umalis doon at nakitira sa kapatid na panganay ng nanay ko tapos ay lumipat kami uli doon na sa bahay namin, bahay na itinuring na bahay ng pamilya… ni nanay at tatay at naming magkakapatid. Sunod na nakita ko si lola ay sa isang sira at lumang sabungan na nakatira. Sa isang sulok ng sabungan na hindi na ginagamit ay naglagay ng kapirasong sahig ang kanyang asawa. Kasama niya sa tirahang iyon ang kanyang asawa, isa niyang apo at isang batang inampon nila o ipinaalaga sa kanila pero hindi na kinuha ng mga magulang. Madalas kami magpunta kay lola noon. Gustung-gusto ko sa tabi ni lola kasi malaya akong nakakapaglaro kahit saang sulok ng sabungan. Basta ang bilin niya sa amin ay dapat naririnig niya ang boses namin habang naglalaro. Pag hindi na niya narinig ay tatawag na iyan, ibig sabihin nalalayo kami sa kanya at hindi iyon puwede. Masaya sa bagong bahay ni lola kasi may kalapitan sa aming bahay at malawak ang aming laruan. Madalas, doon kami pumupuwesto ng laro sa ruweda, kung saan pinagsasabong ang mga manok. Ginagawa naming manok ng kapatid kong bunso ang dalawang bata na nakatira kay lola, iyong apo nila at iyong batang ampon nila. Madalas natatapos ang laro na puno ng pasa at kalmot ang dalawang bata kasi sila nga ang manok.

Tabi ng maliit na palaisdaan ang sabungan kung saan nakatira si lola at ang kanyang pamilya. Isang dahilan din kung bakit gusto ko palagi magpunta at maglagi kay lola. Nakakaikot ako sa palaisdaan, nakakaakyat ako sa mga puno sa paligid nito at masarap matulog sa bahay ni lola pag tanghali kasi malamig. Ang huling natatandaan ko sa bahay na iyon ni lola ay nang mag-ani ng bangus ang may-ari ng palaisdaan. Nandoon ako noon at nakisali-sali sa pag-ani. Nakahuli ako ng isang bangus na dinampot ko lang sa tubig nang makita kong nakataas ang buntot. Wala akong dala kahit isa noong umuwi ako pero masaya ako. Hindi ko maisip na kaya ko palang humuli ng isda nang kamay lang ang gamit. Naisip ko siguro punung-puno ng isda ang tubig kasi bakit kayang kamay ko lang ang humuli. Hindi na naulit iyon… nang mga sumunod na punta ko sa lugar na iyon, wala na ang sabungan at hindi na ginagamit ang palaisdaan. Madalas akong mamingwit ng isda kasama ang mga kalaro ko pero madalas umuuwi ako nang wala pa din akong dala. Hindi ako marunog mamingwit, kamay lang. Hindi na din siguro puno ng isda ang tubig.

Mula sa sabungan lumipat sina lola sa maliit na kubo na nakadikit sa likod ng bahay namin. Hindi na ako masyadong natuwa kasi hindi na ako makakalayo sa bahay namin, hindi na ako makakalayo kay nanay. Bihira na akong sumilip kay lola kasi nandiyan lang naman siya. Tatlo na lang silang magkasama sa bahay noon, iyong isa niyang apo at ang kanyang asawa. Hindi na din ako nakikikain kay lola kasi madalas nakikita ko wala silang ulam o kung may ulam man kakaunti o ulam na galing kay nanay, pareho lang kami. Pag sumisilip ako kay lola noon ay nakikihiga-higa sa kanilang papag na siyang nagsisilbing sahig din ng kabahayan, natatandaan ko nakakatulog ako sa kanila. Natutulog ako sa tabi ni lola habang naglalaro siya ng solitaryo sa baraha. Madalas pag nagising ako ay naglalaro pa rin si lola at halos hindi nagbago ng posisyon sa pagkakaupo na nakataas ang isang tuhod habang nakalatag ang mga baraha sa kanyang harapan.

Masaya akong panoorin ang galaw ni lola noon… marahan, tahimik at hindi nag-aapura, parang palaging payapa ang kanyang kalooban… ang kanyang pakiramdam. Gustung-gusto ko siyang panoorin habang inaasikaso niya ang paghahanda ng kalan upang magluto… ang kanyang pag-upo nang nakataas ang dalawang tuhod sa harap ng kalan upang magpaapoy, ang pag-ihip niya ng banayad gamit ang tubong ihipan upang magpaningas ng gatong… at higit sa lahat pag ngumiti siya dahil naapuyan na niya ang kanyang kalan at puwede nang isalang ang kanyang kaldero. Nalilibang din ako pag nilalaro ko ang balat ni lola sa butuhan at maugat niyang kamay. Hinuhuli ng mga maliliit kong daliri ang mga kulay berde na ugat na nakalitaw sa kanyang kamay. Nagtatawanan kaming dalawa pag dumudulas ito at hindi ko mahuli-huli sa ilalim ng aking hintuturo.

Hindi masalita si lola… wala nga akong natatandaan na kuwento niya sa akin o kung nagkuwento nga ba siya. Kung babalikan ko ang mga panahon na kasama ko siya, parang puro silent movies lahat, walang tokis. Hindi ko din natandaan na nagalit sa akin si lola… pakiramdam ko nga noon maliit ako, kay lola lang palagi tama ang aking galaw. Kasi hindi niya ako pinagalitan kahit minsan, wala akong

mali

sa mata ni lola. Pag sumilip ako sa pinto ng bahay nila noon habang padipang hawak ko ang magkabila ng pinto, mabubungaran ko lang ang masayang ngiti ni lola at tango na nagsasabing “halika, pasok!” Madalas pinanonood ko pa si lola bago niya maramdaman na nandoon lang ako sa pinto niya. Payapa din kasi ang pakiramdam ko pag pinanonood ko siya habang naglalaro ng solitaryo… habang sinusuklay niya ang kanyang manipis at mahabang buhok… habang inaayos ng kanyang butuhan at maliliit na kamay ang laylayan ng kanyang saya… habang umuusok ang kanyang bibig na may nakasaksak na sigarilyong brown na payat… lahat… lahat ng galaw ni lola ay sapat upang payapain ang aking kalooban at makaramdam ng katahimikan… maging masaya kahit walang bagong laruan.

May dalawang bagay akong tuwang-tuwa palagi kay lola. Dahil magkadikit lamang ang aming bahay dinig mo madalas kung ano ang nangyayari sa bahay nila. Sa umaga… nagigising kami sa hikab ni lola. Ang haba ng hikab niyan na may kakaibang tono ng boses… “ahahahaaaayyyy!” Pag narinig na namin iyon, kinikilig kami sa katatawa. Gising na si lola, simula na ng umaga niya. Natutuwa din akong habulin si lola noon ng haplos sa tuhod. May kiliti kasi iyan sa tuhod at halos maihi sa salawal pag nahawakan ang tuhod niyan. Pag naglalaro nga iyan ng solitaryo at bigla kong haplusin sa tuhod tatayo iyan para umihi. Pag naihi na si lola hudyat na ng pagtulog ko sa kanyang harapan habang naglalaro siya.

Hindi ko na uli matandaan kung bakit umalis sina lola sa likod namin. Lumipat sila ng bahay sa iba nilang anak na malayo na sa bahay namin. Pero sa panahon na wala si lola, kataka-takang hindi ko siya na-“miss.” May pagkakataon pa nga na pinuntahan ni nanay si lola para magsabit ng ribbon sa amin noong elementary ako kasi wala si tatay at nagkasabay ang commencement exercise ng mga kapatid ko sa high school sa aming nasa elementary. Sayang… mahirap lang kami at wala kaming naging litrato ni lola, walang remembrance.

May panahon din na tumira sa amin si lola. Kung hindi ako nagkakamali ng pagtanda dumating si lola sa bahay bago ako matapos ng elementary at nawala uli si lola nang mga unang taon ko sa high school, bago magkasakit si nanay. Kaya lang pinagbawalan kami ni nanay na maglalagi sa tabi ni lola at nakahiwalay siyang kumain at isa din lang niyang natutulog sa papag sa baba, sa may kusina at binilinan din kami na huwag kakain sa kahit na anong pinagkainan niya at uminom sa baso na pinag-iinuman niya. Lahat nang iyon sinunod ko… basta salita at bilin ni nanay hindi puwedeng baliin… batas si nanay sa bahay. Iyon din ang dahilan nang paglayo ng loob ko kay lola… iyon din ang dahilan kung bakit nawalan ako ng interes kay lola. Marahil kasi malaki na rin ako noon, iba na ang aking mga gusto… iba na ang aking mga pinahahalagahan… iba na lahat sa akin… nag-iba ako.

Hindi ko nga alam kung nagtagal tumira si lola sa bahay… at sa panahon na nandoon siya hindi ko na siya tinititigan, hindi na ako natutuwa na makita siya na palaging nakahiga sa papag… hindi ko na din naisip na laruin ang ugat sa kanyang mga kamay. Parang pakiramdam ko din noon pabigat na si lola sa bahay… nahihirapan lang si nanay sa pag-aasikaso sa kanya… pati si tatay ay hindi natutuwa na nandoon si lola na inaalagaan ni nanay. Narinig ko pa minsan na nagsasabi si tatay na baka sa kaaasikaso ni nanay kay lola ay siya naman ang magkasakit. Naawa ako kay nanay… nagagalit ako kay lola. Nagagalit din ako sa kanyang asawa at ibang mga anak… bakit hindi nila inaalagaan si lola ngayong may-sakit samantalang noong malakas ay pinakinabangan nilang lahat. Bakit iniwan nila sa amin si lola na nangangalangan na pati kami ay mahawa. May tuberculosis si lola, si nanay ang nag-alaga sa kanya.

Nakapagtataka naman na kung kailan hindi ko na kailangan marinig ang boses ni lola ay saka naman siya nagsimulang magsalita at makipag-usap sa amin. Minsan nakita niya akong nakatayo sa itaas na nakaharap sa kanya habang nagluluto si nanay ng pagkain malapit sa kanyang papag nagsabi si lola… “apo… pag natapos kang mag-aral yayaman ka. Magkakaroon ka nang malaking bahay at bibili ka ng kotse. Patitirahin mo ako ha at isasakay mo ako sa kotse mo.” Hindi ako sumagot… hindi ko rin alam kung sumagot si nanay. Pero si lola hindi lang ako ang sinabihan niya na magkakakotse… lahat ata kaming magkakapatid. Kaya ang biro ni tatay sa sarkastiskong boses… “hayaan mo inay, pag yumaman ang mga apo mo isasakay kita sa kotse nang nakahiga.” Natatawa ako pag naririnig ko iyon… natutuwa ako sa joke ni tatay. Si lola, hindi umiimik… hindi siya natutuwa.

Hindi ko na alam kung kalian nawala si lola sa bahay… tuluyan na siyang nawalan ng halaga sa akin. Narinig ko na lang uli si lola nang nasa first year college na ako. Pinauuwi kaming lahat kasi wala na si lola… namaalam na rin sa daigdig ng mga buhay… wala na akong lola. Dumalaw lang ako ng isang gabi sa kanyang lamay… iyong huling gabi bago siya ilibing. Sumama din ako sa mga nakipaglibing… siyempre kasi ako ang umalalay sa aking ina. Sa simbahan nang umiyak si nanay… naiyak din ako. Umiyak ako hindi dahil namatay si lola… umiyak ako dahil umiyak ang si nanay. Nawala si lola nang wala akong pakiramdam… nawala si lola nang wala akong panghihinayang.

Ngayon… pag pumapasok sa isip ko si lola… mas natatandaan ko ang panahon na masaya ako na kasama si lola… noong panahon na hindi siya nagsasalita… noong panahon na tahimik lang kaming magkasama… noong panahon ng aking kamusmusan. Kung tatanungin ko ang aking sarili… nawala ba si lola… hindi… hindi siya nawala. Hindi siya namatay sa akin. Pag humihikab ako, madalas… ginagaya ko ang hikab ni lola. Wala akong kiliti sa tuhod pero pag nalaman ko na may taong may kiliti sa tuhod, kinikiliti ko kasi ang naaalala ko ay ang panahon na hinahabol ko si lola para kalabitin ang kanyang tuhod. Ang payapang damdamin ni lola… ang kanyang tahimik na daigdig… palagi… iyon din ang gusto kong makamit. At sa pagtanda ko, kung ako man ay tatanda, gusto ko ganoon kapayapa ang buhay ko tulad ng buhay ni lola… kahit pa punung-puno ng paghihirap at sakit… hindi ko iyon nakita sa mukha ni lola… mahusay si lola magtago ng sakit… mahusay si lola magdala ng sarili. May aral ba akong nakuha kay lola? Ang buong buhay ni lola na nakita ko at nakilala ay aral sa akin… PAYAPANG KALOOBAN.

July 25, 2008

by: Ome Quijano

No comments:

Post a Comment