Sunday, January 10, 2010

PAANO GINAGAWA ANG LALAKI SA BABAE

Dati pag umuuwi ako sa amin sa probinsiya at tinatawag akong Junior ng aking mga kakilala,natutuwa ako… pero may nararamdaman din akong kaunting hiya sa aking sarili. Iyong iba ngang kabarkada ko tinatawag pa akong Jojo, okey din lang sa akin. Pero mula nang hindi ko na pinapansin ang tawag na iyon sa akin, hindi na rin nila ako binabati. Ngayon… ‘pag umuuwi ako wala nang tunatawag sa akin ng Junior o Jojo kaya. Kung magsasalubong kami at hindi na maiwasan ang magkabatian, ngumingiti na lang ako sa kanila at tinutugon naman nila ito ng ngiti rin.

… Kuwento sa akin ng mga magulang ko… buntis si nanay sa akin. Ikalima na niya ito. Si tatay kasi hirit nang hirit dahil gusto raw niya ng lalaki. Biruin mo apat na ang anak nila ni nanay at sa tuwing magbubuntis si nanay nananalangin sila na

sana

lalaki na, pero sa tuwing lalabas babae pa rin. Tinatanong ko nga si nanay kung hindi siya nahihirapan. Sabi… nahihirapan pero ano ang magagawa gusto ni tatay.

Lumabas ako… babae! Sabi ni nanay… ayaw na niya. Pagod na raw siya. Paano ba namang hindi mapapagod, eh, sunud-sunod kami. Biruan nga namin sa bahay “lampin lang ang pagitan.” Ibig sabihin… walang pahinga ang lampin sa paggamit. Wala nang panahong itago para sa susunod na bata dahil bago pa ito maitabi, may gagamit na naman. Noon ngang gamitin ko ang lampin, maninipis na. Mas nakakaawa ang kapatid kong sumunod sa akin… may sumunod pa nga pala sa akin at babae rin… butas na ang lampin nang dumapo sa puwit niya.

Pantay – pantay ang palaki sa amin nina nanay at tatay… sabi nila. Pare-pareho kaming hindi puwedeng maglaro sa labas ng bahay kasi babae kami. Ang mga laruan namin ay pawang sa loob lamang ng bahay puwedeng laruin. Mayroon kaming palayok-palayukan, manika, plato-platuhan at kung anu-ano pang mga laruang makikita mo na kahawig ng mga ginagamit namin sa bahay. Pinulutan kami ni tatay ng shells na siyang ginagamit namin sa luto-lutuan. Bawal ang damo dahil mangangati raw kami at masisira ang aming mga kutis.

Sa damit… sabi nila tipid sila dahil nga sa lahat babae, kung ano ang kalakihan ng mga naunang kapatid iyon ang ipapasa sa mga kasunod. Lugi naman kami ng kapatid kong bunso dahil kadalasan hindi lang manipis at kupas ang natitira sa amin, puro pa butas at sulsi. Panganay lang ang nakakatikim ng bago… sabi nga namin ng bunso… bago rin naman ang nagagamit namin… bagong pasa nga lang, may bagong butas at magkakaroon din ng bagong sulsi.

Sa ganitong kalakaran, may malaki ng pagtutol na namumuo sa aking murang isipan. Limang taon pa lang ako noon. Bakit ang ibang bata nakakapaglaro sa labas ng bahay? Bakit kahit may mga kapatid din sila, bago pa rin ang ibang damit nila. Naisip ko, lalabas ako. Titingnan ko bakit ganoon.

Una… para makalabas ng bahay at makapaglaro na rin sa lupa, kailangan na kasama ko ang mga pinsan kong lalaki. Nagsimula akong sumama at sumunod sa mga pinsan kong lalaki. Matatanda sila sa akin, kuya – kuya ko kaya pinagtitiwalaan ni nanay na isama ako. Lumusot! Nakapaglaro ako! Nakita ko at naranasan na maganda at mas masaya pala ang maglaro sa lupa. Marami akong kalaro, hindi lang ang mga kapatid ko at ang palayok – palayukan namin. Marami palang laruan sa labas ng bahay… may buto ng kasoy, teks, tansan, goma, baril – barilang kahoy, holen at marami pang iba. Nakakatakbo ako ng malayo, maaari akong sumigaw, nakagagalaw ako ng mabilis at malaya, nakakatawa ako nang malakas… sa bahay kasi bawal tumawa nang malakas kasi babae.

Lagi akong nakakalusot. Masaya… masaya sa labas. Napuna ni nanay na lagi akong lumalabas. Pinagalitan ako. Bumabaho raw ako at nangangamoy araw. Kababae ko raw tao, eh, puro lalaki ang kalaro ko. “Bakit! Lalaki ka ba?” Naisip ko, ‘kung lalaki pala ako ay walang problema dahil hindi ako kagagalitan. At kung lalaki ako mas malaya akong makakapaglaro sa labas ng bahay. Kahit hindi na ako bumuntot sa mga buwisit kong pinsan na lagi akong inuutakan dahil pag hindi ko sinusunod ang gusto nila ay isusumbong daw ako sa nanay para hindi na ako pasamahin sa kanila.’ Sigaw pa ni nanay sa akin, “’buti

sana

kung lalaki ka puwede kang magpahara – hara sa labas ng bahay.”

“Kailangang maging lalaki ako,” namuo sa isipan ko. Paano ba ang maging lalaki? Pinag-aralan ko ang kilos ng aking mga pinsang lalaki, mga lalaking kalaro, pati kilos ng tatay sa loob ng bahay pinag – aralan ko. Kasama sa pag – aaral na ito ang paraan nila ng pananamit. Kailangan pareho ang damit na isusuot ko sa mga damit na isinusuot nila. Ang mga pinsan ko nagso – shorts, ako magso – shorts din. Hinubad ko ang aking palda… natatandaan ko pa ang kulay ng huling palda na isinuot ko noong maliit pa ako, itim… shorts ang hinanap ko. Huhubarin ko ang aking blouse, t – shirt lang ang magiging damit ko. Maiikli ang buhok nila… at ang iba kakaunti sa tuktok sa harap. Nagpagupit din ako… iyon ding kap’raso sa tuktok sa harap. Bah! Ang sarap ng pakiramdam. Malamig at hindi na ako magsusuklay pagkaligo. May nadiskubre pa ako. ‘Pag ang buhok ko pala ay kakaunti hindi na ako kukutuhin, hindi na ako kukutuhan ni nanay, hindi na rin niya ako masasabunutan pag kinutuhan… pag malikot kasi ako at kinukutuhan ako ni nanay sinasabunutan ako para tumahimik.

Siyempre pa, noong umuwi ako sa bahay na halos maubos ang buhok, nagulat si nanay at tatay. Medyo nagalit pero maya – maya ay natawa na rin. Sabi may anak na silang lalaki. May kaunting tuwa akong naramdaman dahil ibig sabihin lalaki na nga ako.

Hindi na problema ngayon ang paglabas ng bahay. Payag na sila.

Malaya

na akong nakakapaglaro. Basta ang hiling ni nanay bago dumilim nasa bahay na ako. Ang kawawa kong mga kapatid, naiwan sa bahay at nagtitiyaga na maglaro ng kanilang manika.

Minsan, umuwi si nanay galing ng palengke, tinawag niya ako. May iniabot siya sa akin na nakabalot sa papel. Binuksan ko ito. Shorts… isang bagong shorts. “Ha! Ha! Sa wakas may bago ako.” Blue ang kulay ng shorts at may guhit na pula sa gilid, pambasketbol. Tamang – tama… may bola rin ako na ibinigay nila at ginawa’n din ako ng maliit na court sa harap ng bahay. Kumpleto rekados, feeling basketbolista parang Jawo.

Minsan naman, hapon na noon. Dumating si tatay sa bahay at may dala siyang alphabet blocks at dice. “Wow! Bagong laruan… hindi manika, naiiba sa laruan ng mga kapatid ko.” Natatandaan ko rin gumawa pa si tatay ng baril – barilan na kahoy pero tumutunog. Parang Fernando Poe Jr. ang dating… kalibre .45.

Masaya pala ang maging lalaki, masusunod ang gusto mo at kusa pa nilang ibinibigay ang ibang bagay para sa iyo. Lalong nag – umigting ang pagnanasa kong maging lalaki. Pinag – igihan ko pa ang pag-aaral ng mga kilos ng lalaki. Medyo pamaton, malaki… malakas at makapangyarihan ang tinig. Matatag ang tindig at malakas ang kamao. Pinraktis ko ang salita ko, ginagaya ko ang salita ng tatay ko. Nag – aaral akong sumuntok sa buhangin at mga puno ng saging ni nanay sa likod ng bahay. Nagbubuhat ako ng mabibigat, pipilitin kong kayanin dahil kinakaya ito ng mga lalaki. Nagawa kong lahat… kumbaga, eh, minaster ko.

Natuwa ako sa nangyayari dahil nagagawa ko ang lahat ng gusto ko nang hindi nagagalit ang mga magulang ko at parang sinusuportahan pa ako. Kung minsan ang kapatid kong bunso nagpipilit sumama sa akin dahil nakikita niya masaya ako sa ginagawa ko at hindi ako pinapansin ng nanay ko, isinasama ko siya.

Grade 1 na ako. Ewan ko ba, pero gusto ko pag pumasok ako nakabistida ako. Sabi ko sa sarili ko, ‘bakla yata ako.’ Mukha kasing mas maganda at papaniwalaan ako kung magbibistida ako. Ang nangyari, pag papasok ako… nakabistida ako. Medyo natutuwa ako pero malamang ang pakiramdam na naasiwa ako. Hindi ako sanay kumilos na nakabistida, para akong hinahangin sa baba. At saka ang kati – kati ng kapit sa katawan ng tela. Ang ginagawa ko may shorts ako at t – shirt sa loob ng bistida ko. Kahit na mainit… okey pa rin. ‘Pag pauwi na ako isa – isa ko nang tinatanggal ang damit sa ibabaw hanggang shorts at t – shirt na lang ang matira.

Patuloy ako sa aking gawi. Mga laruang idinidikit na panlalaki lang, matatag na boses na sinasabing sa lalaki rin lang at maliksing kilos na pinaniniwalaang sa lalaki pa rin. Ipinakikilala ako ng aking mga magulang na ganito: “Ito ang aking anak na lalaki pero biyak.” Natutuwa ako sa bahaging anak na lalaki pero nasasagwaan ako sa bahaging biyak. Bastos! Ang sakit sa tenga at tumatayo ang balahibo ko sa tuwing naririnig ko pero pipilitin ko pa rin ang ngumiti.

Noong tumuntong ako sa high school, ramdam ko binata na ako. Pero siyempre hindi ako manliligaw kasi alam ko naman na babae pa rin ako. Sabi ko nga sa sarili ko abnormal. Tinanggap ko na na abnormal ako kasi sabi ng mga tao sa paligid ko abnormal daw ako. Unang araw ko sa high school may isang babae akong kaeskwela na ang arte – arteng kumilos. Iyon ang pagtingin ko noon kasi dikit siya nang dikit sa akin. ‘Eh, naniniwala ako na dapat hindi umaaligid ang babae sa lalaki. Lalaki pa rin ang pakiramdam ko kahit na nakapalda ako at blusa. Iniisip ko ang palda kong suot ay pantaloon at ang blusa ay polo tapos mayroon akong necktie. O, ‘di ba mukhang office boy.

Hindi nagtagal, nang minsang dumating ako may rose sa upuan ko at may maliit na note. Medyo kinabahan ako. Mukha yatang totoo ang sinasabi ng nanay ko na pag malaki na ako kahit na ano ang gawin ko ay magiging dalaga talaga ako at may manliligaw sa akin. Hindi na ako puwedeng maging lalaki. Binasa ko ang note. Sulat – kamay ng babae. Ibig sabihin babae ang naglagay nito sa upuan ko. Iniikot ko ang aking tingin sa mga tao sa loob ng kuwarto, nginitian niya ako. Ang kaeskwela kong maarte binigyan ako ng rose. Sabi ko sa sarili ko, “ang guwapo mo kasi kaya hindi na nakatiis na ligawan mo.”

Upang mapanatili ang mga bagay na nagagawa ko na hindi pinapayagang gawin sa mga kapatid ko ipinagpatuloy ko ang maging lalaki. Kaya nang mag – umpisang tumubo ang suso ko naaasar ako dahil para niyang ipinagsisigawan sa akin na babae ako, at pag naging babae ako marami akong bagay na hindi magagawa katulad nang pag-uwi ng gabi, maligo sa dagat maghapon, umakyat sa matataas na bundok, maglaro ng basketbol, tumawa nang malakas at makapagdesisyon ng sarili. Higit pa ang naging problema ko nang magsimula akong reglahin. Sa totoo lang dalawang buwan na akong dinadatnan hindi pa alam ng nanay ko. Kasi nahihiya akong malaman nila dahil tutuksuhin nila ako na dalaga na, eh, samantalang binata na ako. Nalaman lang niya minsan dahil nagkamali ako ng sampay ng panty ko. Nadaanan niya at naamoy na amoy sabong pampaligo… ito kasi ang ipinanglalaba ko ng panty kong may dugo. Tinanong niya ako at pinagsabihan… bakit daw ginagamit ko ang sabon na pampaligo ang mahal – mahal daw. At saka bakit daw ako naglalaba ng panty ko, eh, dati naman ibinabato ko lang at iniiwan sa banyo namin. ‘Di hindi na ako nakatanggi, ayon buking. Hindi sila makatukso ngayon dahil huli na silang lahat sa balita at isa pa takot ang mga kapatid ko na mabanatan.

Nakaramdam ako ng crush noong high school ako. Dahil sa nararamdaman na ito ay lalong nag – umigting na lalaki nga ako dahil ang crush ko ay babae. Hindi ko sinasabi sa kanya pero gumagawa ako ng paraan para mging malapit sa kanya. Naging magkaibigan kami noong una hanggang sa malaman ko na lang na nagkakaunawaan na kami. Lagi siyang may bulaklak sa akin. Pero hindi talaga sa akin nanggagaling, iniuutos kong magdala ang mga barkada ko at ipinaaabot na rin sa kanya. Minsan nga nagprisinta ako na ako na ang mag – aabot, eh, hindi ko alam lanta na pala ang iaabot ko. Nakabalot pa man din sa plastic. Pag labas ko para iabot sa kanya isa – isang nahulog ang petals hanggang tangkay na lang ang natira. Hiyang – hiya ako.

Noon, pag nag – iisa ako at nag – iisip bakit ganoon, naguguluhan ako. Sabi nila lalaki lang ang dapat na karelasyon ng babae kaya kailangang maging lalaki ako. Pero pag tumitingin ako sa salamin at pag naliligo ako binubulaga ako ng katawan ko, babae ako. Unti – unti itinago ko ang itsura ng katawan ko. Dahil walang suso ang lalaki, nagdadamit ako ng patong – patong para hindi mahalata ang suso ko. Dahil hindi nagba – bra ang lalaki, hindi rin ako magba – bra.

Hanggang maging kolehiyo ako ganoon ang gawi ko. Mas lumala pa nga dahil ramdam ko mama (malaking lalaki) na ako. Ang uniporme kong long sleeves itinutupi ko o kaya hindi na lang talaga ako magsusuot ng uniporme. Hindi nga ibinibigay sa akin ang katibayan na second honor ako sa Dean’s List dahil sa kaso na hindi nagsusuot ng tamang uniporme. Nagbilang na rin ako ng karelasyon kasi sabi nila pag marami kang tsik mas lalaki ka. Pero wala sa yabang hindi ako nanliligaw, sila ang nanliligaw sa akin. Basta pag nakita o naramdaman ko na may gusto sila didikitan ko na sila at iyon na magiging karelasyon ko na sila.

Sa bawat relasyong ganito ay sinusundot ang konsiyensiya ko. Sabi ko kasalanan sa Diyos kasi pareho kaming babae. Pero binabawi ko ito ng… “lalaki naman ako, ah!” At saka isa pa alam na ng Diyos iyon, naiintindihan niya ako… ginawa niya akong abnormal tapos hindi niya ako iintindihin. Isa pa bakit ang babaeng ito na lumapit sa akin hindi ba sila nakokonsiyensiya. Kung sila hindi mas lalo na ako dahil ako ang kaiba sa kanila.

Pero may napupuna ako sa sarili ko. Kahit noong bata pa ako takot ako sa tinatawag na tomboy. Sabi ko daig pa nila ang lalaki kung umasta at saka ang sasagwa… nakakatakot pa. Kaya pag may tumatawag sa aking tomboy parang gusto kong patayin sa sakal.

Kahit sa paglaki, malaki ang naitutulong ng maging lalaki. Hindi ako binabastos ng mga kaeskwela ko. Hindi nila ako hinihipo – hipuan katulad ng ginagawa nila sa iba ko pang kaeskwela. Subukan lang nila pag hindi bugbog ang abot nila. Hanggang sa natuto akong uminom at manigarilyo dahil ang lalaki umiinom at naninigarilyo. Madalas pag umuuwi ako sa dorm lasing na ako. Hindi naman ako pinagagalitan ng kapatid ko, hindi ko alam kung bakit at hindi ko na rin tinatanong. Ayaw kong malaman. Masaya…

Malaya

ang maging lalaki. Ngunit nakakasakit ng ulo kung iisipin mo na hindi ka talaga tunay na lalaki.

Tapos na ako ng kolehiyo at nagtatrabaho na nang magkaroon ako ng relasyon na malaliman. Nagsama kami sa bahay. Alam ng mga magulang niya at alam din ng mga magulang ko. Siyempre noong una mahirap at nakakatakot baka mahuli kami ng mga magulang namin pero nahuli na at wala silang magawa kaya pumayag na. Noon ngang malaman ng kapatid kong bunso iyak siya nang iyak. Tinatanong niya bakit at saka nagagalit sila sa akin. Sabi ko… “sabi ninyo noon lalaki ako tapos ngayon tatanungin ninyo bakit. Hayaan n’yo na lang ako at alam ko ang ginagawa ko.” Kalaunan lumabas hindi ko pala alam. Dahil nasanay sila na ako ang nagdedesisyon sa sarili ko hinayaan na nila ako.

Namuhay kami na parang mag-asawa. Ako ang lalaki at siya ang babae. Nakakatakot pala ang magkaroon ng lalaki at babae sa isang bahay. Ako ang sumasagot ng gastos namin, ako ang namimili ng gamit sa bahay at ako ang gumagawa pag may sirang gamit. Natatanggal lang ang takot na ito at napapalitan ng ginhawa kasi hindi naman ako naglalaba, hindi ako namamalantsa, hindi ako nagluluto at hindi rin ako naglilinis ng bahay. Parang kung ako ang tatanungin mo noon, masarap pa rin ang maging lalaki kasi nag – aabot ka lang ng pera bahala na siya tapos siya pa ang nagsisilbi ng lahat sa iyo mula sa paggising hanggang sa pagtulog.

Sa opisina, alam nila ang relasyon ko, NGO kasi kaya medyo tanggap nila. Tanggap lang na may karelasyon pero tanggap din na lalaki ako at babae ang karelasyon ko. Lalaki rin kung ituring ako sa opisinang pinapasukan ko. Lahat ng gawaing mabibigat katulad ng pag naglilinis sila ako ang pinagbubuhat ng mga gamit. May sarili rin akong kapasyahan sa mga bagay na gusto ko. Ang tawag nga nila sa akin… “Bad boy.” Tuwang – tuwa naman ako dahil alam ko takot silang lahat sa akin.

May library sa opisina at mahilig akong magbasa. Minsan nakita ko may libro na tungkol sa “Lesbianism” parang gusto kong basahin. Noong una nahihiya ako sa sarili ko pag binabasa ko at nahihiya rin ako sa mga tao sa opisina kasi baka tuksuhin nila ako pag nakita nila. Ang alam ko kasi noon pag Lesbian ka hinahanapan mo ng dahilan kung bakit ka abnormal. Eh, kahit naman tanggap kong abnormal ako noon nahihiya pa rin ako kaya ayaw kong basahin.

Minsan naglakas loob akong basahin ito. Lahat ng nabasa kong laman ng libro sumasagot sa matagal ko nang tanong sa sarili ko. Mula noon nag – umpisa akong balikan ang aking nakaraan at ipinaliwanag ang mga bagay – bagay. Sa tulong ng isang kaibigan, pinag – aralan ko ang aking sarili.

Unti – unti nagliwanag sa akin ang lahat. Dahil sa pagtingin ng lipunan sa pamantayan ng isang totoong lalaki at babae, nagkaganito ako. Dahil sa maraming bagay na ipinagbabawal sa babae at malayang nagagawa ng lalaki, nagkaganito ako. Noong una, mahirap. Mahirap palang i – educate ang sarili lalo pa’t ang magiging kalaban mo ay ang iyong nakaraan at ang iyong kinalakhan.

Pinilit ko… una kong inalis ang karelasyon ko dahil hindi siya makakatulong sa akin. Nag – usap kami at maraming bagay kaming hindi napagkasunduan, isa na nga rito ang usapin ng role playing. Gusto niya lalaki ako… ibinibili pa nga niya ako ng brief. Nag – aral akong harapin at tanggapin ang itsura ko sa salamin. Matagal… matagal na proseso. At sa totoo, masakit. Nag – aral akong gumamit ng bra at magsuot ng bathing suit. Ang lahat ng umpisang pagsuot sa mga bagay na hindi ko masikmurang isuot noon ay nakakaalangan ngunit magaang sa pakiramdam pagkatapos.

Sa probinsiya pag umuuwi ako at may tumatawag sa akin ng Junior o Jojo, hindi ko na nililingon. Dati natutuwa ako sa mga tawag na ito. Kinakausap ko rin ang mga magulang ko hinggil sa mga bagay na ganito. Sila man ay nahihirapan dahil naniniwala sila na pusong lalaki na talaga ako. Pero alam ko mapag – aaralan din nila at malalaman din nila, kaunting tiyaga pa.

Ngayon, maikli pa rin ang buhok ko… pantalon pa rin at t – shirt ang gusto kong damit pero alam ko na kung bakit… at alam ko hindi na ito maskara lang. Wala na itong itinatagong lalaki sa loob. Malalim na ngayon ang intindi ko, hindi lang lalaki ang dapat na maging malaya… malakas… at makapangyarihan… babae man ay dapat din. Hindi ito ibinibigay ng kalalakihan at ibang kababaihan kapalit ng pagkukunwaring ikaw ay lalaki base sa pamantayang dapat sundin… ito ay ipinakikipaglaban.

Undated (estimated year of writing is 1994)

by: Ome Quijano

No comments:

Post a Comment